“Hiraya Manawari: Di Marumi si Terê”
Written by: Michael C. Cariaga, BSED, Arellano University-Manila Campus
Noon ay isang kalapati na mababa ang lipad ngunit ngayon ay madamag na lumiliyad kapalit ng malaking halaga ng lapâd. Hindi marumi si Terê!
Oo, iyán ang paniniwala ko at habambuhay kong paniniwalaan. Itinaya ko na ang lahat sa pakikipagsagupaan sa mga matatalim na ngipin ng buwaya; sa buktot na kalmot ng mga kukó nito sa láwa na mismong pinanggalingan ko. Dahil naninindigan ako, hindi marumi si Terê!
“Ang edukasiyon ang bukod tanging pamana ng inyong mga magulang na kailanman ay hindi mananakaw; kaya, pagsikapan niyó na makatapos upang kahit papaano ay may boses káyo sa ating lipunan,” paulit-ulit na bílin ni Gng. Rodriguez sa klase namin.
Subalit kung pagmamasdan ang mga múkha ng mga kaklase ko, tila ba iba ang nasa isip ng mga ito. Sa bagay mag-aalas dose na kasi ng tanghali at hindi pa nagpapalabas si Gng. Rodriguez. Sanáy naman na ako sa kaniyá, lagi kasi siyáng over-time dahil sa malimit niyang sermon tungkol sa mga áral ng buhay.
“Ok class, alas-dose y media na palá ‘di niyó ako sinabihan. Sige puwede na kayong lumabas,” ani Gng. Rodriquez.
“’Di sinabihan eh kahapon nga lang binungangaan si Carlos noong magsabi ito na time na. Sino pa kaya ang magkakalakas na sabihan siyá?” patagong wika ni Adrian kasama ang mga barkada nito papuntang canteen.
Sanáy na sanáy na ako sa mga ganitong uri ng bulungan mula sa mga kaklase hanggang sa ilang gurò na pilit pinanghihimasukan ang búhay ng may búhay. Kultura na ata ito sa iskul…ay hindi lang sa iskul sa buong paligid ko palá; ang manira ng kapwa gamit ang salita. Natatandaan ko pa, pauwi ako noon galing simbahan nang madatnan ko sa isang pasilyo ang umpukan ng mga tsismosa sa tindahan ng itlog ni Ka Lino. Kahit nasa malayo pa ako ay dinig na dinig ko na kung sino ang pinag-uusapan ng mga ito. Kapìtbáhay namin na nakapang-asawa ng Kanô. Naging maganda ang búhay pero wala pang limang buwán nabalitaan ng mga kamag-ának nitó na natagpuang itong patay sa loob ng balikbayan box. Ayon sa iba, hindi raw nagustuhan ng Kanô ang pagtanggi nitong makipagtalik dahil sa dinudugo pa ito. Mabilis na kumalat sa buong baranggay ang usap-usapan, tila ba totoo nga ang sinabi nila na may pakpak talaga ang salita mula sa bunganga ng isang tsismosa. Niyurakan ng mga salitang ito, hindi lang ang pagkatao ng kanilang pamilya; kundi, pati kaluluwa ng namayapa ay dinurog nang pínong-píno upang hindi makita ang tunay na budhi nito. Ito ang hinding-hindi ko kaya na mangyari sa amin. Hindi ko káya na patayin kamí ng salita. Hindi ko káya…
Nang matapos ang dalawang oras na tanghalian, nagmamadaling nag-uunahan sa pagpasok ang mga kaklase ko. Gayun na rin ang ginawa ko, múkhang mang nanghihina nilakasan ko ang pagpadyak ng mga paa ko upang malabanan ang panghihina.
“May naisip ka ng panimula sa sanaysay mo?” pag-uusisa ni Milet kay Adrian.
“Aba… oo naman, kahapon noong sabihan táyo ni Gng. Rodriquez na gagawa táyo ng sanaysay ukol sa búhay natin, may naisip na agad akong panimula at titulo.”
“wow sana all may talento sa pagsulat,” tugon ni Milet.
Nagulat ako nang biglang kong maulinigan ang boses ni Adrian na tinatawag ang pangalan ko.
“Uyy saan ka nagla-lunch? Lagi kítang hindi nakíkita sa canteen; kahit sa waiting shed ‘di ka namin nakikita,” tanong sa akin ng mabruskong si Adrian.
Agad na nagsalita si Milet—“hindi makasagot kasi múkhang ‘di ata kumakain. Sa patpatin na katawan na iyán, saan napupunta ang kinakain niyá?”
Hindi ko maikakaila na máli si Milet, dahil ito ang nakikita ng kanilang mga máta. Sa simula pa lamang ay batid ko na nakakaiba ako sa kanila. Bukod sa mas matanda ako ng ánim na taón sa mga edad nilang naglalaro lang sa labindalawa hanggang labing-apat, bakás na bakás sa akin ang anino ng nakaraan; kahit pa, ikinukubli ko ito sa mga magagarang báro at sumasabay sa usong panyapak. Ilang taón ko na ring ginagamit ang sabong animo’y may mahika na káyang hubdan ang maskara ng kabuhungan at palitan ang kúlay uling kong balat; subalit, nananatiling angat ang kapintasan. Sa kabila nito, hindi naman ako napag-iiwanan sa karera dahil kahit papaano ay may isang dílag ang nabighani sa taglay kong katotohanan.
Nahinto ang kasiyahan ng mga kaklase ko nang dumating na si Gng. Rodriguez. Agad niyá kaming pinakuha ng papel at panulat at sinabihan na magsimula na sa paggawâ. Mabilis na nakapagsimula ang mga kaklase ko, kani-kaniya silang gawâ ng titulado at panimula ng kanilang sanaysay; subalit, nakakakalahating oras na ay walang ibang kulay ang papel ko kundi putì. Hindi ko mabatid kung bakit hindi gumagalaw ang mga kamay ko at matiìm lang na nakahawak sa panulat. Ngunit nang mahigip ng mga matá ko ang liwanag na ibinibigay ng florescent bulb sa aming silid; natigalgal ako ng ilang minuto at dumampi ang mala-kristal na likido sa papel ko. Ang pangyayaring ito ang nag hudyat nang pag-arangkada ng panulat ko sa papel.
Lumipas ang dalawang oras subalit ganadong-ganado pa ang lahat sa pagsulat. Pinutol ni Gng. Rodriguez ang paglipad ng mga isipan namin sa kalawakan nang sabihin niya na ipagpapatuloy na lamang namin ito sa kani-kaniyang tahanan at búkas ay isa-isa namin itong ibabahagi sa harapan ng klase.
“Tulad ng mga magulang niyó na tinutustusan ang inyong pag-aaral para lang maabot niyó ang tugatog ng tagumpay, ang panulat ay may kakayahan din,” pagsisimula ni Gng. Rodriguez.
“Kaya pala pinahinto táyo, maghohomilya na naman si mam,” bulong ni Carlos sa katabi nito.
“Ang tinta na inilalabas ng inyong pluma ay may kakayahan na baguhin ang sitwasyon niyó. Liliparin kayo nitó saan niyó man naisin; kaya, panghawakan niyó ang kakayahan na mayroon kayo. Si Virgillo Almario, National Artist sa Literatura, ay ipinanganak na maralita. Sobrang hiràp ng pamumuhay ng pamilya niyá noon; subalit, hindi nitó natigatig ang púso ng isang manunulat. Ginamit niyá ang kakayahan niyá upang maiangat ang kanilang buhay. Nakaraos sila at patuloy niyang ginagamit ang kakayahang magmulat upang ang iba naman ang magtagumpay,” maluha-luhang pagpapaliwanag ni Gng. Rodriguez na tíla nagpabusalsal sa mga bunganga ng kaklae ko na naging sanhi ng pamamayani ng katahimikan.
Nang mag alas-kwatro na ng hápon, pinauwi na kamí. Habang papalabas ay panáy pa rin ang usapan nina Adrian at Milet sa kanilang mga sinulat. Batid ng dalawa na magiging masaya ang áraw búkas dahil sa wakas ay maisasambulat na ang pinaghihinalaan nilang túnay kong búhay.
Mag-isa kong binagtas ang lansangan paputa sa amin. Mula sa aspaltong lupa na aking nilalakaran kanina ay naging maputik na ito nang makapasok ako sa balwarte ng baranggay Agbalon. Itim ang kúlay ng putik na akin nang nilalakaran; sinamahan pa ng mga hindi kaaya-ayang amoy at itsura sa paligid. Sa kabila ng modernisasyon at mga nagtataasang gusali sa kalakhang lalawigan ay may nagkukubli pang ganitong klase ng lugar. Ang kulay putí kong sapatos ay unti-unti nang nagiging itim dahil sa nilalakaran kong malambot na lúpa.
Gabí na nang makarating ako sa eskinita na pinapasukan ko upang makauwi sa báhay. Gáya ng inaasahan ko, sunod-sunod na halinghing ang naulinigan ko. May tila sumisigaw na para bang nanalo sa lotto; ang isa nama’y tila sarap na sarap sa ice cream na panáy ang dila dahil tutulo na ito. Sinundan ng langitngit ng pápag ang panandalian kong narinig sabay ng malakas na ungol. Sa lahat ng tunog na narinig ko isa lamang ang tumimo sa kaibuturan ko. Para akong pinipilit sa sakit nang marinig ko ang tinig ni Terê na bakás na bakás ang sakit at hapdi na tinitiis nitó. Alam kong kumakawala na ang kaniyáng kaluluwa sa kaniyáng katawan subalit patuloy siyá sa ginagawa niyá. Sa kabila ng panibugho ng damdamin umupo ako sa kapiraso ng batô sa gilid at hinintay na matapos ang lahat. Nang dadampi na ang pagod kong díwa sa batô ay gayun namang paglabas ng tatlong kalalakihan, dalawang Kano at isang matandang mukhang Pinoy naman. Pinipigilan ko man na pumasok sabalit dalá ng matinding pagod dire-diretsiyo kong tinungo ang pápag na higaan ko. Nagpalit ng damit at agád nagluto ng makakain namin.
“Kanina ka pa ba sa labas?” tanong sa akin ni Terê.
“Kararating ko lang galing iskul,” tugon ko.
“Lutuin mo na rin yung giniling diyán maraming patatas ang ilagay mo at bumili ka ng apat na itlog kay Ka Lino.”
Nang matapos kaming kumain nagmamadaling lumabas si Terê. Hindi ko na inalam kung saan ito tutungo dahil sanáy na ako. Nang makaalis siyá sa báhay, sinimulan kong ipagpatuloy ang sanaysay ng búhay ko. Hindi ko maintindihan subalit masayang-masaya ako na isulat ang búhay namin at sabik na iparinig ito sa iba. Madaling araw na nang matapos ko ito; sa matinding pagod at puyat tuluyang nahimlay ang katawan ko sa lamisita na pinagsulatan ko.
Malamig na simoy ng hangin ang nagpaggising sa akin. Gaya ng nakasanayan wala pa rin sa bahay si Terê. Mabilis akong nag-ayos at tinungo ang aming paaralan.
“Engineer ang dady ko at ang mommy ko naman ay Professor. Hindi man kamí nabiyayaan ng malaking pamilya subalit masaya kamí sa loob ng tahanan. Ang pamagat ng sanaysay ko ay ‘TAHANan’’—masigla ang tinig ni Adrian nang básahin niya ang gawa niya. Tila ba batíd niya na kahahangaan siya ng kaniyang kaklase. Gayun nga ang nangyari at pinalakpakan siyá ng lahat.
Karamihan sa mga kaklase ko ay nagbigay ng maramdamin na akda. Ang iba ay dahil sa mga pinagdaanang problema sa búhay ay ayun kay yayaman na. May kaklase pa ako na nagpaiyak kay Gng. Rodriguez dahil sa maramdamin nitong pagbábasa. Namayani ang katuwaan sa mga múkha ng kaklase ko nang tawagin ako upang magbása. Sa pagtitig ko sa kanila, talós ko na handa na silang singhalan ako ng masasakit na salita pagkatapos ng klase namin. Subalit hindi ko ininda ito at lakas loob ko pang tinungo ang harapan at nagsimulang básahin ang gawa ko.
“Tulad ng kumpol ng parúparó na may iilan na umaalis upang maghanap ng makakain, ang ama ko ay nangibangbansa upang magtrabaho bilang Account officer sa isang International Bank. Dalawa kaming nag-aaral pa, ang isa kong kapatid ay nasa Cavite at doon nagpatuloy ng pag-aaral sa unibersidad. Ang nanay ko ay isang Manager sa sikat na hotel. Kapo-promote niyá pa lamang. Ito ang lagay ng búhay ko…”
Masaya kong tinapos ang pagbábasa. Kítang-kíta sa mga matá ng kaklase ko ang pagkamangha sa kanilang narinig. Sa pagbalik ko ng upuan ay agad akong binati ni Carlos. Masaya raw siya na marinig na maganda ang búhay namin. Nang matapos ang klase, hindi na nagpigil pa sina Adrian at Milet na puntahan ako.
“Uy! Gusto mo sumama sa amin minsan? Patí sa lunch sábay ka samin. Alam ko naman na káya ‘di ka nagla-lunch sa iskul kasi wala kang kasama. Hayaan mo simula ngayon, puwede ka na sumabay sa amin,” ani Milet.
Hindi ko maintindihan ang nadarama ko nang mga panahong ito dahil sa sobrang sayá at tila ba inililipad ako ng pangyayari sa alapaap. Subalit muli ko na naman haharapin ang landas kung saan ipinamumukha sa akin ang kúlay ng pagkatao ko. Ang kúlay ng búhay ni Terê.
Sa paglalakad ko mulí kong nasaksihan ang kumpulan sa tindahan ni Ka Lino. Kaiba sa nangyari noong nakaraan, naging matulis ang tingin ng mga ito sa akin. Walang ano-ano ay nilapitan ako ng isa.
“Saan pumupunta si Terê? Napansin ko kasi na panáy inuumaga na siyá ng uwi sa inyó.”
“Marami po kasing trabaho sa opisina nila. Kapo-promote niyá pa lang po bilang Manager kaya tambak siyá ng gawain,” buong giliw na sagot ko sa isang ale na tila namangha sa kaniyang narinig.
Nang matapos kong maipaliwanag ang buong búhay namin ay agad naman akong nagpatuloy sa paglalakad papunta sa eskinita. Takót na takót ako sa tuwing daraanan ko ang eskinitang ito dahil sa nakasayan; subalit, nag-iba ang áyos ng panahon sa mga sandaling ito. Ang mga dating tunog na naririnig ko ay napalitan ng nagniningas na katahimikan at kapayapaan. Gulát man sa nasaksikhan ngunit, hindi ko na inisip na may bagò dahil baka napaaga lang ako ng dating o kaya ay napahulí at hindi ko nadatnan ang nakasanayan.
Pagpasok ko sa báhay ay tumambad sa akin ang nakahigang si Terê. Balót ng kumot at nanginginig ang buong katawan. Hindi ko maintindihan ang nangyayari dahil kakaiba ang nakita ko sa kaniyá. Dalá ng matinding tákot agad kong tinanong kung ano ang nangyari. Isang inaasahan na sagot ang aking narinig.
“May HIV ako, matagal ko nang nararamdam ang sintomas nitó subalit nagbulag-bulagan ako.”
Bumagsak nang biglaan sa sahig ang nanlulumo kong katawan. Pinilit kong labanan ang lúha dahil gusto kong magpanggap na ito ang inaasahan ko at hindi na ito bágo sa akin. Subalit, tíla nagrebelde ang sarili kong emsyon sa panlabas kong katauhan.
Gaya ng úso, mabilis na kumalat ang balita sa baranggay Agbalon. Kinabukasan, nasaksihan ko ang matagal ko nang ikinakatakot. Sa puntong ito kamí na ang paksa ng usap-usapan. Pinandidirihan kamí ng lahat. Tinatapakan ang hindi lang pagkatao namin bagkus pati ang buong angkan ni Terê. Ayon sa kanila kampon ng kadiliman ang aming tahanan. Pára kaming pinagkaitan ng karapatan na maging tao at ang tanging isinasaksak sa amin ay pugad kami ng sakit na madaling makahawa kaya ay dapat layuan.
Napansin ng mga kaklase ko ang matagal kong pagliban, gáya ng inaasahan ko kumalat pati sa iskul ang balita úkol sa totoong estado ng búhay ko. Nalaman, hindi lamang ng mga kamag-aral ko kundi pati ang pamilya nila na nagbanta pa na húwag na húwag kamíng didikit sa mga anak nilá.
Sa kabila ng lahat naging malakas ako para kay Terê. Naging kamay at paa niya ako sa bawat pag-usad ng araw. Ang dáting kinamumuhiang gawain ay unti-unting yumakap sa akin. Wala akong magawa dahil balót kami ng kamangmangan at ang tanging naiisip kong paraan upang malanman ang nangangalit naming tíyan ay ang sarili kong katawan.
“Subukan mo, may nagkakainteres sa’yo dahil sa bágo ka. Hindi mapapagaling at mapapakain ng dignidad mo si Terê. Kailangan mong kumayod, kailangan ni Terê ng gamot,” lumuluhang tinig ni Lyn kaibigan ni Terê.
Hindi ko káya, subalit mas hindi ko káyang makita na mamatay kamí sa gutom. Taliwas man sa kagustuhan ni Terê, sinuong ko ang makulimlim na ulap. Nakita ko na lamang ang aking sarili, pinagpapasahan at pinag-aagawan. Ako ay ginapos ng kahalayan at tinalikuran ang kabataan. Kalaunan ay aking nalaman, ako ay may dungis na hindi maalis. Tiniis ko ang lahat mabúhay lang si Terê subalit ang pagtitiis ay nawalan ng sáysay.
Magbubukang liwayway ng Sabado nang magising ako sa isang alingawngaw. Nagípalpal ako ng samot-saring emosiyon. Túlig ang aking isip at namanglaw ang buo kong katawan nang makita si Terê na wala ng hininga. Hindi na niyá nakayanan ang matatalim na salita sa paligid, pinutol na niyá ang tanikala ng istoryang paulit-ulit na ikinakabit sa kaniyá.
“Hindi ka niyá nais iwanan, hindi lang niyá nakayanan ang sakit na pati ikaw ay binihag ng matatalim nilang salita,” ani Lyn habang bitbit si Terê sa kaniyang mga bisig.
“Lumaban ka para sa kaniyá, mamuhay ka para sa kaniyá at magpatuloy ka para sa kaniyá,” tumatangis na dagdag nito
Isang linggo matapos ang libing ay nagpakita akong muli sa máta ng aking paaralan. Naglakad ako sa pasilyo mula sa tindahan ni Ka Lino palabas ng Agbalon na tíla isang artista na pinag-uusapan at múkhang sikát na sikát. Gáya ng inasahan ko, hindi naluma ang bersyon ng istorya ng búhay ko sa kanilá. Tíla isang box-office hit na pelikula ang mga ito. Sa loob at labas ng paaralan ay walang pinagkaiba, kung mayroon man ayun ay ang pandidiri na rin nilá sa akin.
“Sa harapan niyo ngayon class, may nais magbahagi ng kaniyang gawang sanaysay ng búhay. Pakinggan natin siyá,” bungad ni Gng. Rodriguez sa amin.
Bágo pa man ako magpasiya na pumasok ay pinuntahan ako ni Gng. Rodriguez, tulad ng ginagawa niya lagi sa amin pinalakas niyá ang loob ko sa pamamagitan ng mga áral sa búhay upang magpatuloy ako. Natapos ang pag-uusap namin sa isang kahilingan.
“Sa unang pagtipan pa lamang, isinaalang-alang ko ang matimyas na pagmamahal ng aking ina, oo ng aking ina na si Teresita, bilang isang bagay na hindi makapupuwing. Sa halip ako’y naging isang gamúgamó na pilit na nilalapitan ang ningning ng apoy sa gasera; isang Elías na handang makipagpatayan sa matatalim na ngipin at matulis na kukô ng buwaya sa láwa. Itinatak ko sa aking isipan na aking bubunutin ang mga bágay na naging tinik sa búhay ng nanay ko.
Oo, wala siyang pinag-aralan kaya’t nakuha niyang gamitin ang sarili niyáng dignidad para lamang mabúhay ako. Mag-isa siyá na lumaban dahil maagang sumakabilang bahay ang aking ama. Batíd ko ang hirap niya pero tinitiis niyá ang lahat kasi kailangan. Kailangan niyá na búhayin ako. Isinapalaran niyá nang literal ang dugó at katawan niyá para lamang makita niyó ako rito sa paaralan.
HINDI SIYÁ NAMATAY SA SAKIT, PINATAY SIYÁ NG MGA MÁTANG ANG TINGIN SA KATULAD NIYÁ AY BASURA NA KAILANGAN IBAON SA LÚPA AT SUNUGIN. Hindi siyá namatay sa sakit, namatay siyá sa matatalim na salita at mentalidad ng múndo.
Naninindigan ako sa ngalan ng apoy sa gasera; naninindigan ako gamit ng plúma at papél at maninindigan ako hanggang sa huling hininga ko. Hindi kailanman maituturin na basura ang pagsisikap ng isang ina na maigapang ang anak sa húkay ng kahirapan.
Ito ang nais ko, sána (hiraya) matupad ang pangarap ko (manawari) na maikintal sa mga matá ng abang sinapupunan: Hindi marumi si Terê! Hindi marumi si Teresita! Hindi marumi ang nanay ko! Ang tunay na marumi ay ang mga taong pilit na inilalagay sa kanilang kakayahang magsalita ang pangil ng panghahamak at pang-aalipusta.”
Sa bawat letra at salita na nabubuo ko sa aking isipan ay representasyon ng aking marigting na paniniwala sa kapangyarihan ng pluma na balang araw magiging isang punyal ang mga ito na magagamit ko bilang sandata sa daluyong ng dágat.
—wakas—
BUOD
Ang mundo ay punong-puno ng kabuhungan kaya ang binatang may matayog na pagnanais na ilihis ang kanilang buhay mula sa matatalim na salita ng sanlibutan ay nagkubli sa pamamagitan ng matimyas na kapangyarihan ng pluma at papel. Batid ng binata ang kinasadlakan ng buhay ng kaniyang ina na si Tere, isang prostityut na kumakayod araw man o gabi maipadala lamang siya sa paaralan upang hindi mapag-iwanan. Hindi natitigatig ang polyeto ng paninindigan ng binata kay Tere. Kaya upang makaiwas sa sinapit ng mga taong nasaksihan niyang nabihag ng diskrimininasyon sa Agbalon, nilagyan niya ng sariling kulay ang kuwento ng buhay niya. Sinoman sa paligid niya ay naniwala at humanga kaya gayun na lamang ang ligaya na kaniyang naramdaman.
Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon, nagkasakit si Tere. Isang linggo na lumiban ang binata sa paaralan upang alagaan si Tere. Gaya ng kaniyang inaasahan, mabilis na kumalat ang balita at sila na ang paksa ng usap-usapan sa Agbalon. Niyurakan hindi lang ang pagkatao kundi pati ang buong angkan ni Tere ay dinurog ng pinong-pino sa pamamagitan ng salita. Lumaban ang binata, tinaya ang sariling kamusmusan upang mapunan ang gamot at pangangailangan nila. Lumalaban siya kahit na tulad ng ina, hindi ito nakawala sa sakit na dinanas ng ina. Dala ng matinding pagtitiis sa mga matang matatalim na pilit silang ginagawang basura at ang sinapit ng anak na binata, nagpakamatay si Tere.
Sa kabila ng nangyari, tumindig ang binata. Muli niyang kinulayan ang buhay nila gamit ang pluma at papel. Sa pagkakataong ito, buong lakas niyang inihayag sa madla ang Dung-aw na kuwento ng buhay nito. Pinanindigan ng binata hanggang sa huling hininga niya na hindi marumi si Tere. Ang tunay na marumi ay ang mga taong pilit na inilalagay sa kanilang kakayahang magsalita ang pangil ng panghahamak at pang-aalipusta. Ang kaniyang pangarap na nais matupad (hiraya manawari) ay ihayag sa mundo na hindi marumi si Tere.