“Helena”
Written by: Carla Joanne Robles, MEDTECH, University of Negros Occidental- Recoletos
May mga pagkakataong naiisip ko ang mga bituin sa madilim na kalangitan at ang malamig na ihip ng hangin na minsa’y humahampas sa mga punongkahoy. Kasing ganda ba ng kinang ng mga bituin ang iyong mga mata? Nagdadala rin ba ng emosyong hindi maipaliwanag ang pagtitig sa magagandang bituin tulad ng sa’yo?
Matagal na simula ng huli kitang makita. Marahil ay, higit sa sampung taon na simula ng nakita ko ang iyong maamong mukha at mahaplos ang iyong malambot na buhok. Nananabik ako sa iyong pagbabalik, ngunit hindi ko maiwasang isipin kung pareho ba tayo ng nararamdaman. Maaari ba akong umasa na ang aking tapat na pag-ibig ay masusuklian din ng sing tapat na pag-ibig galing sa’yo?
Labing isang taon ang nakakalipas, iyon ang ating pagtatapos sa kolehiyo. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na isipin ka. Kamusta ka na kaya? Masaya ba ang pagtatapos mo ng kolehiyo? Alam kong hindi nakapunta ang ina mo dahil nasa ibang bansa siya at tiyahin mo lamang ang pumunta. Alam kong masayahin kang tao, palaging may ngiti sa maganda mong mukha pero alam ko na hindi iyon totoo. Alam kong hindi iyon umaabot sa mga mata mo. Ito ba ay dahil sa sitwasyon mo sa inyong pamamahay o dahil sa iyong kasintahan? Hindi lingid sa iyong kaalaman na hindi lang ikaw ang syota ng kasintahan mo, ngunit bakit ka patuloy na umaasa na magbabago siya para sa’yo? Bakit ka patuloy na nagtitiis sa sakit na idinudulot niya sa’yo? Hindi ko maintindihan kung bakit sa isang lalaking katulad niya, sa isang walang isang salitang lalaki ka pa mapapaibig. Bakit ba hindi na lang ako? Bakit ba hindi na lang ako, Helena? Bakit ayaw mo sakin na matalik na kaibigan mo?
Nang unti-unti ng lumalabas ang mga pamilyar na mga mukha na nakasuot ng itim na roba kasama ang kani-kanilang mga pamilya, nakita kita na nakaupo sa isang kongkretong bangko sa tapat ng gusali nang paaralan. Hindi na ako nag-atubili na puntahan ka.
“Lena, nasaan ang Tiya Miling?” tanong ko sa sa’yo habang tinutungo ang kalapit na bangko sa tabi lamang ng iyong inuupuan.
“Pumunta muna siya sa tindahan ng mga keyk sa palengke. Sabi niya babalikan daw niya ako para maipagdiriwang ang pagtatapos ko ng kolehiyo.” sabi niya na may ngiti sa mga labi ngunit halos humihikbi ang kaniyang boses. “Ikaw, Manolo? Bakit nandito ka pa?”
Pilit kong ipinagwalang bahala ang kalungkutan sa mga mata at boses ni Helena at tumingin na lamang sa kalangitan na siya namang unti-unting nililisan ng kulay ng asul at pilit na niyayakap ng madilim na lila. “Hinihintay kita.” sabi ko habang nakatingin parin sa kalangitan na mistulang ginagaya ang aking nararamdaman.
Hindi muna ako tumingin sa kaniya pero nakita ko sa gilid ng aking paningin na tumingin din siya sa kalangitan at hindi na nagsalita ulit.
Iyon ang mga oras na kasama kita, Helena. Wala tayong masyadong pinag-uusapan, ang pagiging nandyan lang ng isa’t isa ang kailangan natin, wala ng iba. Ngunit may mga oras din na naiinip ka at tinutungo mo ang kinaroroonan ng iyong kasintahan, kung hindi naman ay nakikipagkwentuhan ka sa iyong mga kaibigan sa ating paaralan. Marahil sa iyo ay hindi sapat ang aking simpleng presensiya, ngunit para sa akin, ang makita lang kita sa bawat araw na masigla at may panibagong ngiti sa iyong mga labi ay sapat na, dahil ang simpleng pagkatao mo Helena ay higit pa sa sapat.
Ibinaba ko ang aking tingin sa mga asul na pader ng ating paaralan papunta sa mga makulay na bulaklak sa loob ng bakuran ng makita ko ang iyong Tiya Miling. Tumingin ako sa’yo para sabihin na narito na ang iyong tiyahin ngunit nang makita ko ang iyong payapang pagpikit, na mistulang walang kahit anong sakit at kalungkutan ang iyong buhay, na para bang ikaw lamang ang nakaupo sa munting bangko na hinahaplos ng malamig na ihip ng hangin. Tumingin muli ako sa kinaroroonan ng iyong tiyahin at saktong tumingin siya sa ating inuupuan at kumaway sa atin, isang senyales na tinatawag ka na niya. Nabaling ang atensyon ko ng bigla kang tumayo at tumakbo papunta sa iyong tiyahin.
“Maligayang pagtatapos sa kolehiyo, Manolo!” sigaw mo sakin ng makatakbo ka ng malayo-layo ng may ngiti sa iyong maamong mukha.
Nginitian din kita at nagsabing, “Ganoon din sa’yo Helena.” tumuloy ka sa iyong pagtakbo patungo kay tiya Miling. “Mahal kita, aking kaibigan.” bulong ko sa sarili ko habang tinitingnan kang unti-unting lumalayo sakin.
Ako at ang aking mga magulang ang huling umuwi noon galing sa paaralan. Sa muli, ikaw parin ang aking iniisip kahit sa pag-uwi. Kamusta ang inyong munting handaan? Masaya ka ba? Palagi kong tinatanong sa sarili ko kung totoo bang masaya ka, kung totoo ang iyong ipinapakita sa lahat na masiyahin kang tao, ngunit wala ako sa posisyon para itanong sa’yo ang ganitong klaseng katanungan. Sino nga ba ako? Isang hamak na kaibigan mo, isang kaklase, isang kakilala.
Lumipas ang mga araw at linggo, nasa kalagitnaan pa lamang ng bakasyon nang ako’y inatasan ng aking ama na bilhin ang ilang kagamitan na kailangan niya sa kaniyang pagpapanday. Ako’y umalis kaagad matapos na sabihin iyon ni Amang Lito.
Nilakad ko lamang papunta sa palengke dahil malapit doon ang pagbibilhan ko ng kagamitan ng aking ama. Tumitirik pa noon ang araw at may maliliit na pawis na namumuo sa aking noo at ilong. Siguro ay nasa ala una pa lamang kaya ganoon na lamang ang init ng araw. Napabilis ako sa aking paglalakad at tinungo agad ang aking pagbibilhan ng mga kagamitan. Iyon ay dalawang martilyo, isang iskwala at isang ngipin ng lagari.
Matapos kong mabili ang mga ipinabibili ni Amang Lito, nakipagkwentuhan muna ako doon sa mga nagtitinda sa tindahan dahil alam kong masyado pang mainit para muling maglakad pauwi. Nag-usap kami ng mga paksa sa maliit nating bayan, kung sino ang may bagong kotse o di kaya, kung sino ang namatayan o yung bali-balitang nananamantala ng babae. Nang marinig ko ito, tinanong ko pa si Mona, ang tindera, kung ano pa ang alam niya sa nananamantalang lalaki na iyon.
“Naku, Manolo. Kalat na sa bayan ang tungkol sa lalaking ‘yan. Ang dami na daw babae ang kaniyang napagsamantalahan. Palibhasa guwapo’t mayaman ay wala ng nagrereklamo laban sa kaniya.” sabi ni Mona na may pakumpas-kumpas pa ng kamay sa hangin na para bang binibigyang buhay ang kaniyang kwento.
“Sino ba ang lalaking iyan, at bakit parang hindi siya kayang kalabanin ng mga tao?” tanong ko.
“Sino nga ba. Tirso? Alberto? Viceral? Lisa, ano nga ba ang pangalan ng lalaking iyon?” tanong niya sa kaniyang katabing tindera ng mainip sa kakaisip ng pangalan ng lalaki.
“Si Oliver. Siya ang anak ng isa sa mga mayayamang pamilya dito sa bayan–” tugon ni Lisa.
Hindi ko maipaliwanag ang kaba na nararamdaman ko sa mga panahong iyon. Kasingbilis ng takbo ng kabayo ang pagtibok ng puso ko. Si Oliver Buenaventura? Iyon ang kasintahan ni Helena. Hindi na ako nakapagpaalam at unti-unti nang umuwi. Kumakagat na ang dilim at mistulang hinahabol ng aso ang puso ko.
Kung totoo ang mga sinabi nina Mona at Lisa, nasa panganib si Helena. Hindi ko na naalala na ibinilin sa akin ni Amang Lito ang kaniyang mga kagamitan at tinungo ko ang plasa dahil kadalasang nandoon sina Oliver at ang kaniyang mga kaibigan. Laking gulat ko ng wala siya doon, ngunit nandoon ang kaniyang mga kaibigan.
“Nakita mo ba si Oliver?” tanong ko sa isa sa mga kaibigan niya.
“Si Oliver? Kasama si Helena. Pumunta sila doon sa hardin ng kaligayahan.” sabi niya na para bang may lihim na kahulugan sa kaniyang mga salita.
Kailangan ko silang makita. May masama akong kutob. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko, para bang may mabigat na pasan ako sa aking likod at binuhusan ako ng malamig na tubig na parang kumukulo ang aking tiyan sa kaba. Binilisan ko ang aking paglalakad ng matanaw ko si Helena.
“Oliver, sinabi ko na sa iyo na ayoko.” sabi ni Helena na may pang-aayaw sa kaniyang boses.
“Alam ko namang gusto mo akong makasama ngayong gabi Helena.” malambot na sabi niya kay Helena. Tumayo ang balahibo ko ng marinig ko iyon at binilisan ko pa ang paglalakad ko.
“Oo gusto kitang kasama, pero hindi ibig sabihin na gusto kong kasama ka sa kama!” sigaw sa kaniya ni Helena.
Hinawakan na ni Oliver ang mga braso ni Helena at inilapit niya ang mukha nito sa kaniya at sinabing, “Sumama ka na–”
Hindi ko na siya hinayaang tapusin ang kaniyang nais sabihin, dahil sinalubong niya ang humahagupit kong suntok. Natumba siya at hinawakan ang kanyang pisngi na parang naiiyak sa sakit.
“Ang mga katulad mong hayop hindi na dapat mabuhay pa!” sigaw ko sa mukha niya at sinuntok ng paulit-ulit, hanggang sa nabalot ng dugo ang aking kamao.
“Hin—di mo ba… ako kilala?” sabi niya kahit parang hindi na maipinta ang kaniyang mukha. “Ako ang anak ni Wilfredo Buenaventura! Mayaman ako! Kaya kong bilhin ang kaluluwa mo at ng babaeng yan! Kaya kong sabayin lahat ng babae dito sa maliit na bayan na ito! At higit sa lahat, kaya kong pagsamantalahan lahat ng gusto ko, dahil madami akong pera!” sigaw niya sa akin na ipinagmamalaki ang pera niyang wala ng saysay.
“Sino? Sino ang kaya mong bilhin, hayop ka?” sigaw ko balik sa kaniya sabay dampot sa kaniyang mahal na damit. “Sa tingin mo ba, kayang bilhin ng pera mo ang totoong kaligayahan? Sa tingin mo ba, kayang bilhin ng pera ang lahat?!” sigaw ko sa kaniya. Bigla na lamang sa mga panahong iyon na sukdulan ang galit ko sa kaniya. Hindi ko na namalayan ang pagkuha ko sa martilyo at ang paghampas ko nito sa mukha ni Oliver ng paulit-ulit.
Nang matauhan ako, nakita ko na lang si Helena na nanginginig sa takot sa harap ko at napasigaw. Bigla ko na lamang nabitawan ang hawak kong madugong martilyo at naipunas ang dugo sa aking suot na pantalon at tinungo si Helena at pilit na pinahihinto sa pagsigaw.
“Helena, hindi ka ba sinaktan ni Oliver?” tanong ko sa kaniya.
“Hindi—huwag! Huwag kang lalapit sa akin! Isa kang mamamatay tao! Pinatay mo ang kasintahan ko!” sigaw niya sakin na may halong iyak.
“Helena, ginawa ko iyon para sa’yo. Para hindi ka niya mapagsamantalahan.” sabi ko sa kaniya.
“Hindi iyan totoo! Ginawa mo iyon para sa sarili mo, Manolo!” sigaw niya sa akin.
Hindi ko namalayan na may nakakita sa amin at sa bangkay ni Oliver, at ang sumunod na mga eksena ay nagmistulang hangin na dumaan lamang. Ang huli kong naalala ay ang maiinit at malutong na mga salita na binitawan ng mga kaanak ni Oliver sa akin pagtungtong ko sa korte.
Hindi nanalo ang kaso ko dahil pinatay ko raw si Oliver dahil sa matagal na inggit at galit dahil sa kaniyang kasikatan sa bayan at dahil na rin sa impluwensiya ng kaniyang pamilya na siniguradong ako’y mahahatulan ng habangbuhay ng pagkakakulong. Isang taon rin ang inabot ng laban sa korte. Alam kong pinaslang ko si Oliver, at ginawa ko iyon dahil sa gallit ko sa pambabastos niya kay Helena at ang huling salita niya sakin ay, ‘Ginawa mo iyon para sa sarili mo, Manolo!’
Totoo bang ginawa ko iyon dahil sa sarili kong mga rason? Alam ko sa sarili ko na ang pag-ibig ko kay Helena ang nagtulak sa akin na paslangin si Oliver, ngunit bakit ayaw tanggapin iyon ni Helena? Bakit ayaw niyang tanggapin ang alay kong katapatan?
Lumipas ang mga taon na nasa likod ako ng rehas. Isa, dalawa o tatlo, marahil lima o higit pang mga taon ang lumipas. Ikaw parin Helena ang nasa puso ko, hanggang ngayon.
Isang karaniwang araw sa kulungan, sabi ng isang bantay na pulis ay may dalaw daw ako. Simula noong sinampahan ako ng kaso ng mga Buenaventura ay hindi ako dinalaw ni minsan ng aking mga magulang. Sila na siguro ang dumalaw sa akin kaya sumama ako sa nagbabantay sa kulungan at nilagyan ng posas sa magkabilang kamay. Nagulat ako nang dalhin niya ako sa harap ng isang magandang babae na may kasamang bata.
“Manolo?” tawag niya sa akin. Kung hindi ako nagkakamali—
“Helena? Ikaw na ba iyan?” tanong ko na puno ng pag-asa.
“Oo. Ako ito, maupo ka Manolo. Kailangan nating mag-usap.” tugon niya. Naupo ako sa harap niya upang makapag-usap kami.
“Kamusta ka na, Helena?” tanong ko.
“Eto, may asawa’t anak na ako.” sabi niya ng may ngiti sa mga labi habang nakatingin sa bata na kasama niya. “Jill, kamustahin mo si tito Manolo.” Tiningnan ko ang mukha ng bata, totoo nga. Anak niya ito dahil namana ng supling ang magagandang mata ni Helena.
“Ganoon ba?” malimit kong sabi.
“Manolo, gusto kong malaman mo na hindi na ako galit sa’yo at hindi dapat ako nagalit sa’yo.” Sabi niya sa akin. Hindi muna ako nagsalita at tiningnan ko ang bata na nasa harap ko ngayon. May asawa’t anak na si Helena. Dapat na maging masaya ako para sa kaniya ngunit bakit parang pinupunit ang puso ko? Bakit parang sinasaksak ako ng paulit-ulit? Ang sakit ng dibdib ko, hindi ko na namalayan na umiiyak na ako. Nang lumapit sa akin si Helena napahagulgol na lang ako.
Hindi ko maintindihan ang halu-halo kong mga emosyon. Masaya ako para kay Helena dahil sa wakas, tunay ang ngiti na nasa labi niya pero hindi ko maiwasang masaktan dahil iba na ang laman ng puso niya.
“Helena…” sabi ko sa pagitan ng mga iyak, “alam mo bang mahal kita? Mula noon?” sabi ko sa kaniya na halos nagmamakaawa.
Sa kaniyang katahimikan nalaman ko ang sagot. Pagkalipas ng ilang saglit ng aking pagluha, umalis na sina Helena at Jill at bumalik ako sa aking silid sa loob ng kulungan.
May mga pagkakataong naiisip ko ang mga bituin sa madilim na kalangitan at ang malamig na ihip ng hangin na minsa’y humahampas sa mga punongkahoy. May mga pagkakataong naiisip kong paano kung hindi ko pinaslang si Oliver, magiging tayo ba sa huli? Paano kung hindi kita inibig, magiging kaibigan parin ba kita? Pero ngayon na nakita na kita, malinaw na ang lahat.