20 Years and Counting – Mga Aral Mula Kay Boss Rita`
By STI Administrator | Published February 2, 2016
Tubong Davao City ang 45-anyos na Head ng Maintenance ng STI College Muñoz-EDSA na si Rita M. Inting, kilala rin sa katawagang Boss Ritz. Siya ang pang-anim sa pitong magkakapatid at namulat sa pagtatanim bilang kabuhayan. Maaga siyang naulila sa ina nang pumanaw ito dahil sa kanser. At ito ang unang hugot na nagtulak sa kanya na pagbutihin ang kalagayan ng kanyang buhay habang ginagawa ang mga bagay na makapagpapasaya sa kanya.
Sa kagustuhan niyang mapaunlad ang buhay ng pamilya, nagsimulang mamasukan sa iba’t-ibang trabaho sa kanilang bayan si Rita. Isa na rito ang pamamasukan sa isang Orchid Garden.
Makalipas ang tatlong taong pagtatrabaho sa Orchid Garden, naglakas loob si Boss Ritz na makipagsapalaran sa Maynila. Sa tulong ng kanyang pinsan at ng ilan pang kakilala, nakapasok siya sa STI College Muñoz-EDSA noong 1995 sa edad na 25 anyos bilang miyembro ng Maintenance Department.
Dala ang pangarap na mapaunlad ang sariling buhay at ang buhay ng kanyang pamilya, binigyang halaga ni Boss Ritz ang trabaho nya sa STI Muñoz, at sa kasalukuyan sya ay kinikilala bilang isa sa mga mahusay na empleyado ng STI Muñoz.
Kitang kita kay Boss Ritz ang kagustuhang matuto. Hindi sya nahihiyang magtanong sa mga nakaka-alam kung may gusto syang matutunan. Habang may mga nagkukumpuni na tubero, karpintero, nag aayos ng aircon, nandun palagi si Boss Ritz, para magmasid at magtanong. Isa ito sa mga paraan nya upang mapaunlad ang kaalaman sa trabahong inatas sa kanya.
Bukod sa pagpapaunlad sa kaalaman, pinaka ingatan din ni Boss Ritz ang tiwalang binigay sa kanya ng kumpanya. Dahil sa tiwala sa kanya ng mg namamahala ng kumpanya, inatasan din syang maging opisyal na messenger. Sya ang naging taga hatid ng mga mahahalaga at confidential na mga dokumento.
Hindi rin matatawaran si Boss Ritz sa dedikasyon nya sa trabaho at malasakit sa tao. Isang hindi makakalimutang pangyayari sa STI Muñoz ay ang pagsugod ni Boss Ritz sa baha at malakas na ulan noong panahon ng bagyong Ondoy para lamang makapunta sa STI Muñoz at masigurado ang kaligtasan ng mga gamit at pasilidad ng kumpanya. Sya rin ang nagpahintulot na gamiting “temporary evacuation area” ang Covered Court ng paaralan noong mga panahong iyon.
Dahil sa kahusayan at dedikasyon ni Boss Ritz, sya na ngayon ang namamahala ng Maintenance Department ng STI Muñoz. Walang pag-aatubiling itinuturo ni Boss Ritz sa kanyang mga kasamahan ang kanyang mga natutunan. Hindi niya ipinagdamot ang kaalamang nadiskubre niya dahil naniniwala siya na ginagawa niya ito mula sa kanyang pagmamahal sa STI Muñoz.
At ngayong taon, ipinagdiriwang ni Boss Ritz ang kanyang ika-20 taon ng serbisyo sa STI Muñoz. Itinuring na ni Boss Ritz na sariling pamilya ang komunidad na bumubuo sa dito. Nang dahil din sa sipag at tiyaga, nakapagtaguyod na rin si Boss Ritz ng mga small businesses at iba pang “investment”.
Nang matanong namin sya kung ano pa ang hangad nya sa buhay at sa trabaho ngayon, ito ang kanyang sagot: ““Nagdaan ang mga taon nang hindi ko namamalayan. Basta ang alam ko sa sarili ko, mahal ko ang STI at masaya ako sa ginagawa ko. Para ko itong anak na kailangan alagaan at payabungin. At maswerte ako na sa dinami-dami ng nag-aapply dito, ay ako ang napili. Ang pagpapala ay hindi lagi-lagi. Kaya masaya ako sa pagpapala na mapabilang sa pamilyang ito. Ang payo ko sa mga nag uumpisa pa lang sa kanilang career, sa anong larangan pa man – hanapin mo ang trabaho na mamahalin mo at magpapasaya sayo.”
At dahil sa mga ito, ipinagmamalaki at minamahal ng STI Muñoz si Boss Rita Inting.
Sa Panulat nina Erika M. Ilagan at Princess Mary V. Velasquez
This entry was posted in Message from the Admin on by STI Administrator.